MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Bicameral Conference Committee ang P63.9-bilyong pondo para sa Assistance to Individuals in Crisis (AICS) ng Department of Social Welfare and Development para sa 2026, P37 bilyon ang dagdag mula sa orihinal na P26.9 bilyon.
Ang P32.6 bilyon ay galing sa realigned budget ng DPWH para sa flood control projects. Ayon kay Senate Finance Committee chair Sherwin Gatchalian, naubos agad ang nakaraang AICS allocation, kaya’t mas mainam na ilipat ang pondo mula unprogrammed papuntang programmed appropriations upang masiguro ang tuloy-tuloy na ayuda.
“In other words, wala na pong magpagkukunan ang DSWD [na pandagdag kung maubos ang AICS sa programmed funds] dahil wala na pong SAGIP sa unprogrammed. Iyan rin isang dahilan na dapat i-transfer natin [itong dagdag pondo sa AICS] from unprogrammed to programmed appropriations,” ani Gatchalian.
Sinuportahan nina Senator Erwin Tulfo at House Appropriations Chair Mikaela Suansing ang pagtaas, binanggit ang pangangailangan sa Quick Response Fund ngayong taon dahil sa lindol at bagyo, at ang funeral, educational, at iba pang emergency assistance.
“Hindi lang po ‘yung tinamaan ng bagyo, tinamaan po ng earthquake ang tinutulungan ng DSWD [sa AICS]… Therefore, kailangan po ng ayuda mula po sa DSWD. ‘Yun lang po ‘yung point ko. Tapos meron ka pang burial assistance na ngayon. Then you have educational assistance pa ‘pag pasukan. Marami siyang paggagamitan,” ani Tulfo. RNT