LAOAG CITY – Narekober ng mga awtoridad ang nasa P6 milyon halaga ng shabu na nakita ng isang mangingisda na palutang-lutang sa baybayin ng Bubon sa Burgos, Ilocos Norte nitong Martes, Hulyo 10.
Sinabi Ilocos Norte Police Provincial Office (INPPO) director PCOL Frederick Obar, sa isang press conference sa Camp Valentin S. Juan na ang kontrabando ay nag-iisang plastic pack na katulad ng mga narekober sa karagatang Ilocos Sur at Pangasinan nitong mga nakaraang linggo ay positibong kinilala bilang methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ayon kay P/Capt. Jenine Lingan, hepe ng Burgos municipal police station, nakita ng isang mangingisda ang plastic pack na lumulutang sa tubig dagat dakong alas-10 ng umaga noong Martes.
“Nababatid ang patuloy na pagkarekober ng mga kontrabando sa rehiyon, agad na ipinaalam ng mangingisda ang kanyang nakita sa kanilang pangulo (samahang pangisdaan) at tinawagan ng huli ang atensyon ng mga awtoridad na nagpadali sa pagbawi ng pakete na lumulutang sa dagat,” ani Lingan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nasa kabuuang 105 kilo ng mga katulad na bloke ng shabu na may market value na humigit-kumulang P642 milyon ang narekober sa Ilocos Region mula noong Hunyo 24.
Maliban sa mga sample na natitira para sa chemical analysis sa hinaharap, sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga narekober na gamit sa Angels Crematorium public cemetery sa Don Lorenzo Querubin, Caoayan, Ilocos Sur noong Hulyo 8.
Sinabi ni PDEA director general Moro Virgilio Lazo na patuloy pa rin ang imbestigasyon para matunton ang pinagmulan ng mga kontrabando. Santi Celario