Home NATIONWIDE P7.15M ketamine naharang sa dayuhan sa NAIA

P7.15M ketamine naharang sa dayuhan sa NAIA

Naharang ang isang South Korean national na lilipad sana ng eroplano dala ang mahigit 1,430 gramo ng hinihinalang ketamine sa NAIA Terminal 2, Pasay City. DANNY QUERUBIN

MANILA, Philippines – Naharang ang isang South Korean national na lilipad sana ng eroplano dala ang mahigit 1,430 gramo ng hinihinalang ketamine sa NAIA Terminal 2, Pasay City.

Ayon sa mga awtoridad, ang ketamine ay tinatayang may halagang ₱7,150,000.00.

Naganap ang pagharang 6:20 ng gabi nitong Linggo, Hunyo 22, sa final security sa Screening Checkpoint 3, Domestic Departure Area, NAIA Terminal 2.

Isinagawa ang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), at binubuo ng mga tauhan mula sa PDEA Regional Office–NCR, Bureau of Customs–CAIDTF, PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group (DEG), National Bureau of Investigation (NBI), at Bureau of Immigration.

Ang dayuhan na edad 39-anyos, ay kinilala sa alyas na “Han” na pasakay sa Cebu-bound flight nang sitahin ang backpack nito sa final screening sa domestic departure area.

Nakita kasi dito ang foil-wrapped transparent plastic bag na naglalaman ng nasa 1,430 gramo ng hinihinalang Ketamine, kasama ang iba pang personal na gamit, banana chips, at dried mangoes.

Nakuha rin sa suspek ang non-drug items katulad ng travel documents, foreign passport, boarding pass, mobile phone, at ilang bank cards.

Sinusuri na ito bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.

Itinurn-over na ang mga nakumpiskang gamit sa PDEA Laboratory Service para sa confirmatory testing.

Sasailalim sa inquest proceedings ang dayuhan at nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 26 (Attempt to Transport Dangerous Drugs) in relation to Section 5, Article II of Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC