CEBU – Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang suspek at nakumpiska ang hinihinalang shabu na tinatayang nasa P7.4 milyon ang street value sa Cebu City noong Lunes ng gabi.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng ahensya na ang suspek na si Jason Bangueran, 46, ay naaresto sa isang buy-bust sa kahabaan ng Second Street, Happy Valley sa Barangay Guadalupe bandang 8:05 ng gabi.
Nakuha mula sa suspek ang walong pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 1.1 kg. at buy-bust money.
Ang mga ebidensya ay isinumite sa PDEA para sa kaukulang disposisyon.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa local PDEA headquarters at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT