MANILA, Philippines- Nasa humigit-kumulang P700,000 halaga ng droga ang nasamsam sa magkasunod na operasyon nitong Biyernes na humantong sa pagkaaresto sa dalawang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na gamot. Bukod dito, nakumpiska rin ang mga baril at bala sa Barangay Oogong at Sitio Ilaya, Barangay Gatid sa Sta. Cruz, Laguna.
Ang dalawang suspek ay kapwa nakapiit sa Sta. Cruz, Laguna Municipal Police Station hinggil sa kinahaharap na kasong paglabag sa ilegal na droga at ilegal na baril na kinilala sa mga alyas na Jeffrey at Ericson, pawang nasa hustong gulang at residente ng nabanggit na lugar.
Base sa report ni PCol Gauvin Mel Y. Unos Provincial Director ng Laguna kay PBGen.Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, nagsagawa ng magkahiwalay na buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Sta. Cruz PNP at PDEA kung saan nauna umanong naaresto si alyas Jeffrey ng dakong alas-6 ng gabi sa Barangay Oogong, habang kasunod na nahuli si Alyas Ericson ng alas-9:15 ng gabi sa Sitio Ilaya, Barangay Gatid , matapos na makipagtransaksyon ang mga suspek sa mga nagpanggap na buyer na mga pulis.
Narekober kay Jeffrey ang isang pirasong small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang nasa humigit-kumulang sa 59 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P401,200, isang baril, anim na bala at sling bag, gayundin ang ginamit na boodle money.
Samantala, nasabat naman mula sa suspek na si alyas Ericson ang tatlong pirasong heat-sealed transparent plastic sachet at isang knot tied transparent plastic sachet na may kabuuang timbang na 50 gramo na may standard price na P340,000, isang kalibre 45 pistol, isang magazine para sa nasabing baril, limang pirasong live ammunitions, sling bag at ang boodle money na ginamit ng poseur buyer.
Napag-alamang tinatayang ang kabuuang 109 gramo ng narekober na hinihinalang shabu ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang P 741,200. Ellen Apostol