MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makumpiska ang halos P70 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Tagbilaran City, Bohol, nitong hatinggabi ng Enero 6.
Ayon sa Bohol Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon bandang alas-11 ng gabi sa Purok 2, Barangay Dampas ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Unit, katuwang ang Tagbilaran City Police.
Isa sa mga naaresto ay isang 39-anyos na lalaking drayber mula sa Valencia, Bohol na itinuturing na high-value individual, kasama ang 47-anyos na babae mula sa Muntinlupa City na umano’y kasabwat nito.
Nasamsam sa dalawa ang 10.2 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P69.94 milyon, bukod sa buy-bust money, isang cellphone, eco bag na ginamit na lalagyan ng droga at isang sedan na pinaniniwalaang ginamit sa transportasyon ng kontrabando.
Nakapiit na ang mga suspek sa Tagbilaran City Police Station habang isinailalim na sa laboratory examination ang nakumpiskang droga.
Inihahanda na rin ang mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga ito.
Sinabi ng pulisya na bahagi ito ng tuloy-tuloy na intelligence-driven operations upang sugpuin ang iligal na droga sa Bohol. RNT/JGC