MANILA, Philippines- Tinatayang aabot sa mahigit P72 bilyong halaga ng mga ismagel na produkto ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa taong ito, na lampas sa naitala para sa buong taong 2023 at nagmarka ng bagong rekord para sa ahensya.
Nabatid sa BOC, nasamsam nito ang P3.09-bilyon ng smuggled goods ngayong Oktubre 2024, na kinabibilangan ng P2.3-bilyong halaga ng iba’t ibang bilihin, P22.3-milyong halaga ng sigarilyo, at P420-milyong sasakyang pandagat na nagdadala ng mga ismagel na produktong petrolyo.
Iniulat din ng BOC ang P42.16-milyong halaga ng ilegal na droga na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at P323-milyong halaga ng smuggled na sako ng bigas.
Ito ang naging dahilan kaya’t nakakolekta mula Enero hanggang Oktubre na umabot sa P72.091-bilyong smuggled goods, mula sa P43.29 bilyon na naitala sa buong taong 2023.
Ang BOC, na inatasan na pangasiwaan at kontrolin ang clearance ng mga sasakyang pandagat at sasakyang panghimpapawid na nakikibahagi sa dayuhang komersyo, ay inatasang mangolekta ng halos P1 trilyon ngayong taon pagkatapos makabuo ng P883.624 bilyong kita noong 2023. JAY Reyes