Home NATIONWIDE PCG naka-heightened alert para sa Undas 2024

PCG naka-heightened alert para sa Undas 2024

MANILA, Philippines- Bilang preparasyon sa nalalapit na panggunita ng Undas 2024, inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na itinaas na sa heightened alert ang kanilang operasyon.

Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng Districts, Stations at Sub-Stations ng Coast Guard na palakasin ang pagbabantay sa lahat ng kanilang area of responaibility.

Ito ay upang masiguro na maayos at walang problema ang biyahe ng publiko na magtutungo sa kani-kanilang probinsya bago at matapos ang Undas mula Oktubre 31 hanggamg Nobyembre 5, 2024.

May inilagay na ring “DOTr Malasakit Help Desks” sa mga pantalan, daungan at iba istasyon o terminal ng mga pampublikong transportasyon.

Nakahanda namang i-deploy ang mga Coast Guard K9 units at security teams na iikot para magsagawa ng inspeksyon sa loob at labas ng mga terminal gayundin sa mga pampublikong sasakyan.

May mga itatalaga namang medical teams sa DOTr Malasakit Help Desks habang handa na ang Coast Guard rescuers at lifeguards na magbabantay sa mga beach resort, island resorts, at iba pang bakasyunan o pasyalan malapit sa karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden