MANILA, Philippines- Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na dapat i-neutralize ang lahat ng pribadong armadong grupo sa bansa bago ang 2025 national at local elections.
Ito ay makaraang ipag-utos ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa pulisya sa Central Luzon na lansagin ang mga pribadong armadong grupo na maaaring magkompromiso sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Ayon kay Garcia, tama ang bagong kalihim ng DILG dahil nagagamit ito ng mga politiko o ilang kandidato upang makapaghasik ng lagim o takutin ang mga mamamayan.
Sinabi ni Remulla kamakailan na layon ng gobyerno na magkaroon ng casualty-free elections sa 2025.
Inatasan din aniya siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagsikapan ang kaligtasan at seguridad ng mga kandidato at publiko sa darating na botohan.
Para naman kay Garcia, ang “free will” ng mga botante ay mananatiling prayoridad na idiniin na hindi dapat pilitin ang mga tao na bumoto para sa isang partikular na kandidato.
Ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups ay nakatakda mula Pebrero 11 hanggang Marso 10, 2025.
Samantala, ang campaign period para sa mga kandidato sa House of Representatives at parliamentary, provincial, city at municipal elections ay mula Marso 28 hanggang Mayo 10.
Ang araw ng halalan ay naka-iskedyul sa Mayo 12, ngunit ang mga botante sa ibang bansa ay maaaring bumoto na sa Abril 13, habang ang mga local absentee voters ay maaaring bumoto mula Abril 28 hanggang 30.
Ang BARMM parliamentary polls ay isasagawa rin sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden