MANILA, Philippines- Binati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga bagong pinuno ng Indonesia sa pagdalo niya sa inagurasyon nina President Prabowo Subianto at Vice President Gibran Rakabuming Raka nitong Linggo.
Nakiisa sina Marcos at First Lady Liza Marcos sa iba pang world leaders sa pagsaksi sa inagurasyon ng Indonesian leaders sa House of Representatives Building sa Jakarta.
Kabilang sa mga dumalong pinuno sa seremonya sina Brunei Sultan Hassanal Bolkiah at Singaporean Prime Minister Lawrence Wong.
Sa isang social media post, sinabi ni Marcos na isa ang Indonesia sa matagal nang katuwang ng Pilipinas at sa mga pinakamatalik nitong kaibigan sa Southeast Asian region.
“I reaffirm our nation’s desire to further strengthen our bilateral ties with Indonesia on this momentous occasion and in lieu of our diplomatic relations’ 75th anniversary in November,” wika ng Pangulo.
Samantala, sa pinakabagong ulat, balik-Pinas na si Pangulong Marcos ngayong Lunes ng umaga.
Inimbitahan si Marcos ng pinalitan ni Prabowo na si Joko Widodo, na ang anak na si Gibran, ang naging pinakabatang bise presidente ng Indonesia.
Bumisita si Prabowo sa Manila noong nakaraang buwan at nakipagpulong kay Marcos sa Malacañang Palace sa Manila kung saan pinagtibay nila ang kanilang bisyon para sa mas malalim na ugnayan ng dalawang bansa.
Kabilang ang Pilipinas at Indonesia sa founding nations ng Association of Southeast Nations. RNT/SA