Home NATIONWIDE Sa kaligtasan ng kabataan: Vape products irehistro

Sa kaligtasan ng kabataan: Vape products irehistro

MANILA, Philippines- Nanawagan ang health advocacy group na SafeVape PH sa vape suppliers at importers na magparehistro, kumuha ng lisensya at sumunod sa mga itinatakda ng batas upang matiyak ang kalusugan ng publiko lalo’t karamihan ng kanilang kliyente ay kabataan.

Nais din ng grupo na magbayad ng tamang buwis ang vape suppliers upang makatulong na rin sa public health care program ng pamahalaan.

Naglabas ng pahayag ang grupo matapos aprubahan kamakailan ng Department of Trade and Industry Office for the Special Mandate on Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, ang aplikasyon para sa akreditasyon ng Guandong Boopower Industry Co. Ltd. at local partner nito na One Tech Ventures OPC.

“We are thrilled to announce that we have obtained our PS License Certificate, ensuring our products meet the highest quality and safety standards. This certification represents our commitment to excellence and delivering only the best for our customers. Trust in our products, trust in our brand,” sabi ng GBPI sa kanilang pahayag.

Sa panig ng SafeVape PH, tinukoy naman nito na patunay lamang ang pagbibigay ng akreditasyon sa GBPI na hindi mahirap kumuha nito.

Magpapabulaan din aniya ito sa sinasabi ng ibang suppliers at manufacturers na mahirap kumuha ng lisensya kaya marami sa kanila ay hindi na lang nagpaparehistro at ginagawang iligal ang operasyon.

Itinatakda sa Republic Act No. 11900 o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, na lahat ng importers at gumagawa ng vape ay kailangang kumuha ng mga lisensya para maipagpatuloy nila ang kanilang operasyon.

Kailangan ding sumunod sila sa packaging standards at magbayad ng kailangang mga buwis.

Una nang binigyan ng pamahalaan ng 18 buwang transition period ang mga gumagawa at nagbebenta ng vape para sumunod sa mga alintuntunin na itinakda sa ilalim ng Vape Law.

“GBPI’s case was clear example that securing licensed certificate from OSMV is not impossible as some industry players want the public to believe,” pahayag ng SafeVape PH.

Ipinaliwanag nila na gaya ng ibang regulatory body, kailangan lang magsumite ng mga aplikante ng kinakailangang mga dokumento para maproseso at mabigyan sila ng lisensya.

Una na kasing sinabi ng vape manufacturers, distributors, at importers na masyadong masalimuot ang proseso para sa pagkuha nila ng Philippine Standard Quality and/or Safety Mark and Import Commodity Clearance Sticker mula sa DTI.

Binigyang-diin ng SafeVape PH na mahalagang sumunod sa batas ang mga nasa vape industry para na rin sa kaligtasan ng publiko partikular na ang mga gumagamit ng produkto nila.

Itinatag ang SafeVape PH para isulong ang transparency at accountability sa industriya.

Nagsasagawa sila ng mga educational campaign para magabayan at mabigyan ng sapat na kaaalaman ang publiko kaugnay sa tama at responsableng paggamit ng vape.

Sa bahagi naman ng Bureau of Internal Revenue ay patuloy ang kanilang operasyon para pagbayarin ng buwis ang mga iligal na retailers at resellers, para mapigilan ang mga vape smugglers na ipasok ang kanilang produkto sa bansa na hindi dumadaan sa tamang proseso.

Sinabi ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na hindi sila titigil at patuloy nilang huhulihin ang mga iligal na nagbebenta ng vape products.

Pagdidiin niya: “Resellers of illicit vape will be raided. They are the enablers of vape smugglers. If there are no resellers, there will be no smugglers. The smugglers will be forced to comply with BIR regulations.” RNT