TABUK CITY, Kalinga- Umaabot sa mahigit P720,000 ang halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa isinagawang entrapment operation o drug buy-bust operation ng awtoridad sa tatlong kalalakihan ngunit nakatakas ang dalawa sa Purok 6, Brgy. Bulanao Centro, Tabuk City.
Sa matagumpay na isinagawang entrapment operation ng pinagsanip na pwersa ng PDEA Isabela Provincial Office, PDEA Kalinga Provincial Office, PNP Drug Enforcement Group Special Operations Unit Cordillera Administrative Region, at Kalinga Provincial Police Office – Drug Enforcement Unit ay naaresto ang isang ‘high-value target’ na si alyas ‘Larry’, 22-anyos na estudyante mula sa Purok 3, Bgry. Liwan West, Rizal, Kalinga.
Kaugnay nito, kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang suspek na kinilala bilang alyas ‘John John’ at alyas ‘Edmar’, pawang residente ng Brgy. Nambaran, Tabuk City, Kalinga makaraang tumakas ang mga ito.
Nakumpiska sa ginawang entrapment operation ang anim na bloke ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang ng halos anim na kilo at tinatayang may street value na halos mahigit ₱720,000.
Kabilang sa nakumpiska ang buy-bust money, isang kulay itim at pulang Honda XRM motorcycle, at isang Realme C33 na android phone.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang ‘Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002’ ang tatlong suspek. Rey Velasco