MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P7 milyong halaga ng illegal na droga sa operasyon ng pulisya sa Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu.
Narekober ng Regional Drug Enforcement Group ang 825 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5.6 million mula kay Arman Taneca, 43, sa Barangay Mantuyong, Mandaue nitong Huwebes, Pebrero 20.
Anang pulisya, si Taneca, na isang family driver ay kayang makapagbenta ng isang kilo ng shabu kada linggo.
Sa imbestigasyon, nakukuha ng suspek ang suplay nito ng illegal na droga sa pamamagitan ng isang contact mula sa Abuyog, Leyte.
Samantala, sa Lapu-Lapu City ay inaresto naman ang isang tricycle driver sa 305 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon sa buy-bust operation nitong Miyerkules, Pebrero 19.
Ayon sa pulisya, ang suspek na si Apupa, ay mula sa Lanao del Norte at kararating lamang sa Lapu-Lapu noong nakaraang buwan.
Sinabi ni Police Lt. Col. Christian Torres, information officer ng Lapu-Lapu City Police na bagamat bagong tukoy na drug player ang suspek ay kaya nitong makapagbenta ng malaking halaga ng shabu.
“He is a newbie but he was able to establish connections right away that’s why his name floated in our intelligence monitoring. It is possible that his sources or contacts are from Mindanao,” ani Torres.
Itinanggi naman ng suspek na sangkot siya sa illegal drug trade, at nagtatrabaho lamang umano siya sa pamamasada ng tricycle.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC