MANILA, Philippines – Nagsuko ng nasa 20 hindi lisensyadong rifle sa militar ang mga residente ng Datu Abdullah Sangki (DAS), Maguindanao del Sur, nitong Biyernes, Pebrero 21.
Itinurn-over ni Mayor Suharto Al Wali Mangudadatu ang M14 rifles kay Col. Edgar Catu, commander ng Army 601st Infantry Brigade.
Ani Catu, ang pagsuko ng armas ay bahagi ng Small Arms and Light Weapon Management Program.
Ang mga armas ay nakolekta mula sa mga barangay official at residente.
Layon ng programa na bawasan ang bilang ng loose firearms at masiguro ang mapayapang eleksyon.
Mula Enero, nakakolekta ang 6th Infantry Division ng mahigit 150 loose firearms sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, South Cotabato, Sultan Kudarat, North Cotabato, at Sarangani. RNT/JGC