Home METRO P8.9M shabu nasamsam sa Cebu sa loob ng isang linggo

P8.9M shabu nasamsam sa Cebu sa loob ng isang linggo

MANILA, Philippines – Nasamsam ang mahigit sa P8.9 milyong halaga ng shabu sa loob lamang ng isang linggo sa probinsya ng Cebu.

Ayon kay Police Major Windell Abellana, Public Information Officer ng Cebu Police Provincial Office (CPPO), ito ay resulta ng Simultaneous Anti-Criminality Enforcement Operations (SACLEO) sa probinsya mula Hunyo 10 hanggang 16.

Nagsagawa ng 61 anti-illegal drug operations sa nasabing mga petsa ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng 86 drug personalities.

Sa mga operasyong ito, nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa 1,311.70 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P8,919,560.

Sinabi pa ng mga awtoridad na nakapaghain sila ng 146 drug charges laban sa mga naarestong suspek sa SACLEO sa Cebu.

Dagdag pa rito, nakapagsagawa naman ang mga pulis ng kabuuang 27 operasyon laban sa illegal gambling sa isang buong linggo.

Nakumpiska ang nasa P4,112 halaga ng betting money.

Ani Abellana, nasa 33 indibidwal ang naaresto at 27 anti-gambling charges ang inihain sa korte.

Mayroon namang kabuuang 40 wanted persons ang naaresto sa ilalim ng SACLEO sa Cebu na resulta ng 40 operasyon sa probinsya.

Sampong indibidwal naman ang naaresto dahil sa illegal na armas.

Aabot sa 10 armas ang nakumpiska at 37 naman ang kusang isinuko ng mga sibilyan. RNT/JGC