MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P800 milyon ang halaga ng natangay na pera sa isang paluwagan scam sa Pasig City.
Dumulog na sa city hall at National Bureau of Investigation ang mga biktima para humingi ng tulong at magsampa ng reklamo.
Hiniling naman ni Pasig Mayor Vico Sotto sa may-ari at operator ng umano’y “paluwagan scam” na nakabase sa kanyang lungsod na lumabas at harapin ang mga investors.
“Sana sabihin n’ya na lang ‘yung totoo dahil dun sa pinakahuling post nila noong January 3, wala pa ring pag-amin na illegal yung kanilang negosyo,” anang alkalde.
Humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamahalaang lungsod gayundin ang mga biktima ng BNY PAL & Trading Benta Paluwagan para sa pagsasampa ng mga reklamo.
Nauna nang binalaan ng Securities and Exchange Commission ang publiko laban sa pamumuhunan sa kumpanya dahil hindi ito rehistrado at walang lisensya para mangolekta ng pera.
Ikinuwento ng isang “investor” na multi-million investments ang ibinuhos sa kumpanya dahil sa pangakong malaking kita. RNT