MANILA, Philippines – Naghain ang Manila Electric Company (Meralco) ng dalawang petisyon para maipatupad ang refund na aabot sa P9 bilyon upang mabawasan ang epekto ng inaasahang pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Hunyo 2026.
Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang unang petisyon ay para sa refund na P4.69 bilyon na sumasaklaw sa lapsed period mula Enero hanggang Hunyo 2025.
Samantala, ang ikalawang petisyon ay para sa refund na P4.32 bilyon na sumasaklaw naman sa Hulyo hanggang Disyembre 2025.
Ang refund ay kaugnay ng diperensya sa aktwal na distribution charge ng Meralco kumpara sa P1.35 kada kilowatt-hour na aprubadong interim rate ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa residential consumers.
Sinabi ni Zaldarriaga na kung papayagan ng ERC na ipamahagi ang refund sa loob ng 36 buwan, aabot sa humigit-kumulang P0.09 kada kilowatt-hour ang maibabalik sa mga consumer.
Ngunit kung paiikliin ng ERC ang refund period, gaya ng isang taon, mas malaki umano ang refund na matatanggap ng mga customer.
Gayunman, sinabi ni National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE) president Pete Ilagan na dapat siyasatin ng ERC ang deklarasyon ng Meralco na P9 bilyon lamang ang kailangang i-refund.
Ayon kay Ilagan, ang matagal na hindi pagtakda ng pinal na distribution charge ng Meralco mula pa noong 2012 ang dahilan kung bakit interim rate pa rin ang sinisingil nito sa mga consumer.
Kinuwestiyon din niya kung bakit nais ng Meralco na itaas ang distribution charge ng halos P1 kada kilowatt-hour habang nagre-refund ito ng umano’y overcollections.
Sa kasalukuyan, nasa average na P1.53 kada kilowatt-hour ang distribution charge ng Meralco, ngunit nais umano nitong itaas ito sa P2.52 kada kilowatt-hour o dagdag na P0.99 kada kilowatt-hour.
Nananatiling nakabinbin sa ERC ang usapin.
Samantala, sinabi naman ni dating ERC commissioner Alfredo Non na dapat pang mas malaki ang refund ng Meralco dahil sa kanyang computation, nasa P1.14 kada kilowatt-hour lamang dapat ang distribution charge ng kumpanya.
Dinala na rin ni Non sa Court of Appeals ang usapin habang patuloy niyang tinututulan ang planong taas-singil ng Meralco. Santi Celario