MANILA, Philippines- Nakakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P931.046 bilyong kita noong 2024 na mas mataas sa koleksyon nito noong 2023 na P874.166 bilyon.
Sinabi ng BOC na ang buong taon nitong koleksyon ng kita sa 2024 ay nakamit sa kabila ng mas mababang 2024 baseline dahil sa epekto ng pagbabawas ng taripa sa bigas at mga piling de-kuryenteng sasakyan, at pagpapaliban ng mga prayoridad na reporma tulad ng excise tax sa mga pick-ups sa ilalim ng Capital Market Promotion Efficiency Act.
Idinagdag pa ng BOC na ilang mga daungan, tulad ng Legazpi, Tacloban, Ninoy Aquino International Airport, Clark, at Cagayan De Oro, ang lumampas sa kanilang target na kita para sa nasabing taon.
Nakabuo din ang BOC ng karagdagang P2.710 bilyong kita sa pamamagitan ng post-clearance audits at voluntary disclosure applications.
Bukod dito, sinabi ng bureau na umabot sa P13.238 bilyon ang koleksyon nito mula sa Tax Expenditure Fund mula sa mga importasyon ng gobyerno.
Kaugnay nito, nitong 2024, ipinakilala ng BOC ang iba’t ibang mga patakaran at inisyatiba upang i-streamline ang mga proseso ng pagbabayad at maging episyente ang mga stakeholder.
“Among these is the Electronic Payment Portal System (ePay), implemented through Customs Memorandum Order (CMO) No. 06-2024, which enables stakeholders to pay customs duties, taxes, and other fees online, minimizing physical transactions and enhancing efficiency,” ayon sa BOC.
“Strategic partnerships further strengthened the BOC’s payment systems. The BOC formalized a Memorandum of Agreement (MOA) with LandBank of the Philippines to utilize the Link.BizPortal for digital payment processing,” dagdag pa ng BOC.
Sinabi ng BOC na ang panibagong partnership nito sa Maya Philippines Inc. ay isinama rin ang platform ng pagbabayad ni Maya sa mga operasyon ng BOC, na nagbibigay-daan sa tuluy-tuloy na mga transaksyon sa pamamagitan ng mga online channel, Point-of-Sale (POS) terminal, at Smart Padala centers.
“Through these efforts, the BOC continues to strengthen its role in promoting economic stability and supporting the Philippines’ growth, ensuring that customs operations remain efficient, transparent, and responsive to national needs,” ayon pa sa BOC. JR Reyes