MANILA, Philippines- Hiniling ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa National Bureau of Investigation (NBI) na baguhin ang polisiya sa pagpapalabas ng clearance para sa foreign workers ng ipinasarang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
“Unfortunately, may policy ang NBI na before they can provide an NBI clearance, ‘yung mga potential deportee kinakailangang i-present ang copy ng kanilang passport,” ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio sa isang panayam.
“That becomes a problem dahil karamihan sa kanila, ‘yung kanilang passport ay kinukuha ng kumpanya,” dagdag ni Casio.
Sa ulat, nais ni Senador Raffy Tulfo na agad nang ipa-deport o pabalikin sa kani-kanilang mga bansa ang lahat ng mga dating empleyado ng POGO na nananatili pa rin sa Pilipinas.
Sa naging pagdinig sa Senado, sinabi ni Tulfo na dapat hanggang sa katapusan ng Pebrero ay mapaalis na ng bansa ang foreign POGO workers.
Giit ng senador, dahil ipinagbabawal na ang POGO operations sa bansa ay wala nang dahilan para mnatili ang mga foreign POGO worker sa bansa.
Ayon sa Bureau of Immigration, may 3,024 nang na-deport na dayuhang POGO worker mula noong December 31 deadline para sa POGO operations sa bansa.
Nasa 22,609 dayuhan ang kusang umalis ng Pilipinas mula sa 33,863 foreign POGO workers.
Sinabi naman ng PAGCOR na may close coordination na sila sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para tugunan ang natitira pang guerrilla-type POGO operations sa bansa.
Dahil dito, sinabi ni Casio na hiniling ng PAOCC sa NBI na baguhin ang polisiya nito sa pagpapalabas ng clearances para sa deportees.
“Nag-request kami sa NBI na tanggalin ang policy na ‘yun at hayaan na lang na ‘yung document na galing sa Immigration —’yung entry record ng mga deportee from the BI— ang magsilbing proof of identity nila,” ang sinabi ni Casio.
“Sinulatan na namin sila [NBI] and we believe na magiging positive naman ‘yun… Nag-request kami na kung pwede, tanggalin ang requirement na ‘yun para mapabilis ang deportation,” patuloy ng opisyal. RNT/SA