CEBU, Philippines – Naharang ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang container van na may kargang umano’y iligal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P95 milyon sa Lungsod ng Mandaue, Cebu.
Patungo umano sa Gothong Wharf, Pier 7 sa Mandaue City ang kargamento nang magsagawa ng operation ang mga operatiba ng Coast Guard intelligence kasama ang Coast Guard Station Central Cebu at Maritime Security Law Enforcement Group-Central Visayas.
Bandang alas-3:20 ng madaling araw nang mamataan ng mga operatiba ang pagdating ng dalawang sasakyang may kargang umano’y iligal na sigarilyo. Gayunman, nang mapansin umano ng mga drayber ang operasyon, agad nilang inalis ang dalawang container van mula sa kanilang prime movers at tumakas, iniwang walang bantay ang mga kargamento.
Natuklasan ng mga awtoridad ang 1,900 master cases ng umano’y iligal na sigarilyo sa loob ng mga naharang na van, na may tinatayang halagang P50,000 bawat master case. Umabot sa humigit-kumulang P95 milyon ang kabuuang halaga ng nasabing kargamento.
Ayon kay Noemie Cayabyab, tagapagsalita ng PCG, nasa kustodiya na ng Coast Guard Sub-Station Mandaue ang mga naharang na container van habang isinasagawa ang imbentaryo, imbestigasyon, at kaukulang legal na aksyon.
“Patuloy kaming nakatuon sa pagsuporta sa mga inter-agency efforts laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad na sumisira sa seguridad ng ekonomiya at lehitimong kalakalan,” dagdag niya. Jocelyn Tabangcura-Domenden