MANILA, Philippines – Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang pabrika ng pekeng kiddie vitamins na inihahanda sa isang washing machine sa Arayat, Pampanga.
Sa ulat, nag-ugat ang pagsalakay sa reklamo ng isa sa mga dating empleyado ng pabrika
Ikinagulat ng mga operatiba na ang washing machine ay naglalaman ng mga pinaghahalo-halong raw materials tulad ng asukal, food coloring, at food flavoring para gumawa ng pekeng supplement para sa mga bata.
Sinabi ng NBI na hindi lamang sa Central Luzon ibinibigay ang mga pekeng bitamina kundi maging sa Visayas at Mindanao.
Ang mga pekeng bitamina ay ginagawa sa loob ng halos 20 taon, sabi ng ulat ng GMA news.
Nakuha ng mga operatiba ang P400,000 halaga ng pekeng vitamin syrup sa pabrika.
Inaresto ng mga awtoridad ang may-ari ng pabrika, na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9711 o ang “Food and Drug Administration Act of 2009.”
Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na bumili lamang ng mga bitamina at gamot sa mga lehitimong tindahan ng gamot. Jocelyn Tabangcura-Domenden