MANILA, Philippines – Pinuri ng mga mambabatas nitong Miyerkules, Disyembre 25, ang pag-aalis ni Health Secretary Ted Herbosa ng requirement para sa senior citizen na magpakita ng booklet para makakuha ng discount sa mga gamot.
“Liban na kailangan pa nila sadyain ang pagkuha ng mga booklets, minsan kasi nakakalimutan dalhin or nami-misplace kaya hindi nila minsan napapakinabangan yung discount,” saad sa pahayag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
“Maganda itong ginawa ni Secretary Herbosa. This is a welcome development. Bawas intindihin para sa ating mga seniors.”
Ipinunto niya na maraming mga senior ang nahihirapan sa pagkuha at pag-track ng kanilang mga booklet.
Anang senador, mas magiging simple ang proseso sa pag-aalis ng booklet requirement at mas maraming senior citizen ang makakagamit ng kanilang legal entitlements.
“Because of this, our seniors can more easily avail of the benefits due them under the law,” ani Revilla.
Ganito rin ang naging pahayag ni Senador Loren Legarda sa pagsasabing nagkaroon ito ng positibong epekto sa policy change sa senior citizens lalo na ang mga indigent.
“Very good! Malaking tulong sa mga lola at lolo at mga indigent senior citizens para sa maayos na pagpapatupad ng batas,” ani Legarda.
Pinuri rin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang desisyon ng DOH at sinabing ito ay isang magandang Pamasko sa mahigit 9.2 milyong senior citizen sa bansa.
“Malaking tulong ito sa ating mga senior citizens,” sinabi ni Pimentel.
“As a senior citizen, relate ako diyan! Thumbs-up tayo sa aksyon ng DOH!”
Tinukoy ni Pimentel ang kahalagahan ng pagsisiguro sa access sa murang health care para sa mga senior citizen na karaniwang mas vulnerable sa health issues.
“Dati, napakahirap nilang mag-apply para sa discount, at kailangan pa nilang magdala ng maraming papeles. Ngayon, mas madali na para sa kanila na makuha ang mga gamot na kailangan nila.”
Samantala, pinuri rin ni Pimentel ang DOH sa pagpapadali ng proseso para ma-access ng mga senior citizen ang kanilang mga benepisyo.
Hinimok niya ang lahat ng mga Filipino na suportahan ang DOH sa mga inisyatibong ito na masigurong may access sa health care ang mga senior citizen.
Nanawagan din ito sa local government units na pa-simplehin ang distribusyon ng mga Pamaskong regalo sa mga senior citizen dahil sa kanilang vulnerability at pangangailangan ng espesyal na konsiderasyon. RNT/JGC