MANILA, Philippines – Inabutan na ng Pasko sa kalsada sa Matnog, Sorsogon ang nasa 10,000 pasahero na patungong Visayas dahil sa mga na-delay na biyahe ng barko dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Achilles Galindes, media relations officer ng Philippine Ports Authority Bicol, marami ang mga biyaheng naantala nitong Pasko, Disyembre 25 dahil sa masamang panahon at maalong dagat.
“The long queues of passengers were due to the slow turnaround passenger vessels because of the weather condition,” paliwanag ni Galindes.
Nahihirapang makatawid sa San Bernardino Strait ang mga passenger vessel dahil sa “turbulent waters.”
Umabot na sa 13 kilometro ang pila ng mga sasakyan, kabilang ang mga cargo truck na papasok ng Matnog Port. Umabot na ito hanggang Barangay Sisigon.
Sa kabila nito, iginiit ni Galindes na nananatiling normal ang operasyon sa pantalan sa kabila ng delay sa mga biyahe.
Hindi rin nag-isyu ng travel suspension ang awtoridad sa Sorsogon sa kabila ng malalakas na pag-ulan. RNT/JGC