MANILA, Philippines – Pinapurihan ng anti-Marcos group na Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) ang desisyun ng Supreme Court na nagdeklara na labag sa saligang batas ang 1978 government lease contract na kumikilala na pag-aari ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang 57-hectare property sa Paoay, Ilocos Norte.
Sa isang kalatas, sinabi ng Carmma na ang pag-angkin ng mga Marcoses sa naturang lupain ay patunay kung paano ginamit ng mga Marcos ang kanilang kapangyarihan para mapalago ang kanilang kayamanan.
Umaasa ang grupo na madadagdagan pa ang mga marerekober na ill-gotten wealth.
Magugunita na idineklara ng Mataas na Hukuman na walang bisa at unconstitutional ang 25-year lease sa pagitan ni Marcos Sr. at ng Philippine Tourism Authority.
Sa desisyun na pinonente ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, hindi kailanman nakatitulo sa pangalan ni Marcos Sr ang 57-hectare property sa Paoay, Ilocos Norte.
Pinuna rin ng Korte na naghain ng free patents sa 57 hectares ang mga tagapagmana nito lamang taon 2000 o 22 taon matapos ang 1978 lease agreement.
Batay sa ruling, dahil ang naturang lupain ay idineklarang national park noong 1969, hindi dapat ipinaprubaham ang free patents.
Iginiit ng SC na wala sinuman kahit ang pangulo ng bansa ang aangkin ng exclusive rights sa lupain ng estado.
Ang free patents ay ipinagkaloob umano kay Sen. Imee Marcos at sa mga anak nito na sina Michael Manotoc at Fernando Martin Manotoc.
Iniutos ng SC na simulan ng pamahalaan ang proceedings para marekober ang naturang property. Teresa Tavares