MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sinasabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang pag-aresto sa kanya ay isang uri ng political persecution.
Ani Marcos, tumutugon lamang ang pamahalaan sa International Criminal Police Organization (Interpol).
Matatandaan na inaresto si Duterte sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) para sa crimes against humanity matapos ang madugong drug war ng kanyang administrasyon.
Sa presidential address nitong Martes ng gabi, Marso 11, tinanong si Marcos sa komento nito sa alegasyon na ang paghuli kay Duterte ay isang uri ng political oppression na maaaring may kinalaman sa 2028 elections.
“Well, I’m sure they will say that,” patawang sagot ni Marcos.
Ipinunto ni Marcos na ang kaso laban kay Duterte ay nagsimula noong 2017 kung saan miyembro pa ng ICC ang bansa.
“So, I don’t see how that can be political persecution on my part because it was initiated before I came in the picture,” ani Marcos.
“Once again, we have to recognize that of course it’s natural for people to put… lalagyan ng kulay ng politika pero sinundan lang natin ’yung Interpol (to add political color, but we just followed Interpol),” pagpapatuloy ng Pangulo.
Nilinaw din niya na ang pamahalaan ay hindi nakipagtulungan sa ICC kaugnay sa kaso ni Duterte.
“Hindi natin kinakausap ’yung ICC, marami silang hinihingi sa atin na mga dokumento wala kaming binigay, ’yun lamang hindi natin mahindian ang Interpol ’pag sinabi sa aming tulungan niyo kami, kailangan naming kunin itong tao na ito,” aniya. RNT/JGC