Home HOME BANNER STORY Pag-aresto sa tumatakbong gobernador sa Guimaras, utos ng Malakanyang – CIDG

Pag-aresto sa tumatakbong gobernador sa Guimaras, utos ng Malakanyang – CIDG

May kumpas at utos ng Malacañang ang pag-imbestiga at pag-aresto sa kandidatong gubernador sa Guimaras, na umano’y ginamit ang pangalan ng Unang Ginang Liza Araneta-Marcos upang mangikil sa mga negosyante, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Matatandaang inaresto ng CIDG ang gubernatorial candidate na si Maggie Cacho, kasama ang dalawang Philippine Coast Guard member na nagsilbi umanong escort niya.

Kinumpirma ni CIDG Director Police Maj. Gen. Nicolas Torre III na ang impormasyon ay isinangguni ni Ambassador Marcus Lacanilao ng Office of the Special Envoy for Transnational Crime (OSETC), na naging dahilan ng operasyon.

Inaresto si Cacho sa isang entrapment operation sa kanyang bahay sa Barangay Sabang, Sibunag noong Pebrero 11, kasama ang isang lalaking kasamahan at dalawang tauhan ng PCG na nagsilbing seguridad niya.

Nagsimula ang operasyon matapos magreklamo ang isang negosyante na hiningan siya ni Cacho ng P800,000 kapalit ng pag-apruba sa plano niyang magtayo ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).

Inangkin umano ni Cacho na pinsan siya ng Unang Ginang, bagamat patuloy itong bineberipika.

Ayon kay Torre, hindi pinahihintulutan ng Palasyo ang ganitong gawain kaya’t iniutos ang operasyon.

Lumabas din sa ulat na matagal nang gumagawa ng ganitong raket si Cacho mula nang maupo si Pangulong Marcos.

Patuloy ang imbestigasyon sa iba pang posibleng biktima, at sinampahan na ng mga kasong kriminal si Cacho, na posibleng madagdagan pa kung may lumitaw pang ibang nagrereklamo. Santi Celario