MANILA, Philippines – Noong Sabado, hinatiran ni Senator Christopher “Bong” Go ng pag-asa at suporta ang nasa 2,250 mahihirap na residente sa Caraga, Davao Oriental.
Ang kanyang pagbisita ay kasabay ng pagdiriwang ng 121st Araw ng Caraga at 2nd Kaan Silatan Festival.
Namahagi si Go at ang kanyang Malasakit Team ng food packs, shirts, basketballs, volleyballs, masks, vitamins, at bags sa mga benepisyaryo sa RSO Compound sa Barangay Poblacion. Nakatanggap din ang mga piling benepisyaryo ng mga bisikleta, mobile phone, relo, at sapatos.
Samantala, sa pakikipagtulungan ng kapwa Senador Robin Padilla at Francis Tolentino, Congressman Nelson Dayanghirang, Mayor Ronnie Osnan, at lokal na pamahalaan, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa pambansang pamahalaan upang masuportahan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Kinilala ni Go ang mga opisyal sa kanilang patuloy na paglilingkod sa mga nasasakupan, kabilang sina Congressman Dayanghirang, Vice Governor Nelson Dayanghirang Jr., Board Members Andy Monday at Tata Nuñez Castro, Mayor Osnan, at Vice Mayor Melody Anne Benitez, bukod sa iba pang naroroon.
Bilang chairperson ng Senate committee on health, binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng Malasakit Centers program, na sinimulan niya upang magbigay ng access sa tulong-medikal ng gobyerno para sa mahihirap na pasyente. Sa Davao Oriental, matatagpuan ang Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City.







