Home NATIONWIDE Pag-imprenta ng balota para sa Eleksyon 2025 hinarang ng labor group

Pag-imprenta ng balota para sa Eleksyon 2025 hinarang ng labor group

MANILA, Philippines- Naghain ng petisyon ang National Confederation of Labor (NCL) sa Commission on Elections (Comelec) na humihiling na suspendihin ang pag-imprenta ng balota para sa 2025 national at local elections (NLE).

Sinabi ni NCL spokesperson Ernesto Arellano na ang hirit na suspensyon ay upang malinis ng Comelec ang listahan ng mga kandidato sa pagtanggal ng peke at unqualified candidates upang maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon tulad kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Naghain ng quo warranto petition ang Office of the Solicitation General (OSG) laban kay Guo para sa kanselasyon ng kanyang birth certificate. Binanggit ng OSG ang natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Guo ay may kaparehong fingerprints sa Chinese passport holder ni Guo Hua Ping.

Noong Àgosto, ibinasura at diniskwalipika ng Office of the Ombudsman si Guo sa kanyang tungkulin.

Samantala, kinuwestiyon din ni Arellano ang mga kandidatura ng aspirants na may dual citizenship, kung ang kanilang katapatan ay sa Pilipinas, lalo na sa gitna ng mga dayuhang kapangyarihan na pumapasok sa teritoryo ng bansa.

Noong Oktubre, nagsampa ng material misrepresentation case ang Comelec laban kay Guo dahil sa umano’y paglabag sa Section 74 ng Omnibus Election Code nang maghain ito ng certificate of candidacy para sa mayor noong 2022 polls.

Kamakailan, naghain ng not guilty plea si Guo sa kaso sa Capas Regional Trial Court (RTC) Branch 66.

Bilang tugon sa petisyon, sinabi ni Garcia na ang pag-imprenta ng 73 milyong balota na kinakailangan para sa 2025 elections ay hindi isang madaling gawain at hindi maaaring ibukod ng Comelec ang isang kandidato sa balota nang walang kaukulang kaso na isinampa laban sa kanila.

Magsisimula ang Comelec sa pag-imprenta ng balota sa Enero 6, 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden