Home NATIONWIDE Pag-imprenta ng balota target matapos sa Abril 14

Pag-imprenta ng balota target matapos sa Abril 14

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na target pa rin nito na tapusin ang pag-imprenta ng balota para sa National and Local Elections 2025 sa Abril 14 sa kabila ng nagdaaang mga pagkaantala.

Ito ay upang makapagsimula na rin ng pamamahagi ng balota sa lahat ng polling precincts sa buong bansa sa tamang oras para sa may 12 midterm elections, ayon kay Comelec Chairman George Garcia.

Nitong Lunes, muling ipinagpatuloy ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota para sa May 2025 National at Local Elections kung saan target na makagawa ng 1.5 milyong balota kada araw upang maabot ang deadline.

Sinabi ni Garcia na gagamitin nila ang anim na makina upang maimprenta ang 73 milyong balota para sa midterm elections kasunod ng tatlong linggong pagkaantala dahil sa ilang mga sagabal.

Sinimulan ang pag-imprenta ng mga balota alas-10 ng umaga nitong Lunes.

Nitong Linggo, Enero 26 naman in-upload ang mga bagong ballot faces para sa 2025 elections sa kanilang website na naglalaman ng 66 senatorial candidates at 156 party-list groups gayundin ang local aspirants sa provincial, municipality at congressional district seats. Jocelyn Tabangcura-Domenden