MANILA, Philippines – Tinatapos na ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta sa 68,431,965 na balota sa National Printing Office sa Quezon City.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang bilang na ito ay bilang ng mga botante sa buong bansa pero hindi pa kasama ang local absentee voting na 1,241,000.
“Yan lang po ay para sa atin sapagkat yung mga kabahayan natin sa abroad, sila po– alam na nila pinadalhan na sila kung saan sila nakarehistro at the same time sila ay kinakailangang mag -enroll lamang Ngayon”
Ayon kay Garcia, noong Marso 15 ay tinapos din ang inimprentang balota na 68,542,546 na kasalukuyang dumadaan sa verification.
Ipinaalala din ni Garcia sa mga kabahayan na dapat makatanggap ng voter information sheet mula sa kanilang local government at hindi mula sa Barangay.
Paliwanag ni Garcia, ito ay dahil hindi aniya nila ipinapadaan sa mga barangay.
“Kami po mismo ay nag-hire ng mga tauhan na magsisilbi at magpapatanggap nito sa inyo — apat na pahina po itong voter information sheet– andyan po ang pangalan ninyo, andyan Yung precinct number kung saang elementary school o paaralan kayo boboto, nariyan din ang mismong araw kung kelan kayo boboto.”
Dagdag pa ni Garcia, nakalagay din sa information sheet ang hakbang kapag boboto.
Pakiusap din ni Garcia, sakaling kukuha ng sample ballots mula sa mga namimigay sa araw ng election ay mas maganda aniya na dalhin na lamang ang voter information sheet bilang kudigo dahil naroon din ang listahan ng mga kandidato.
Ayon kay Garcia, nagsimula ang pamamahagi ng voter information sheet sa Region 11, 12, Bangsamoro at CARAGA. Jocelyn Tabangcura-Domenden