Home NATIONWIDE Mga taga-suporta ni FPRRD pinasalamatan ni VP Sara

Mga taga-suporta ni FPRRD pinasalamatan ni VP Sara

MANILA, Philippines – PINASALAMATAN ni Vice President Sara Duterte ang mga taga-suporta ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nagtipon-tipon sa Pilipinas at ibang bansa para ipagdiwang ang ika-80 birthday nito.

“Mga kababayan, Aking taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga Pilipino na sumusuporta at nagmamahal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Sa mga kababayan natin sa Pilipinas, The Netherlands at iba’t ibang panig ng mundo— napakalaking bagay para kay Pangulong Duterte ang pagtitipon ninyo para sa kanyang pag-uwi at kaarawan,” ang sinabi ni VP Sara sa isang video message.

Hiniling din niya sa kanilang mga supporters na patuloy na ipagdasal ang kanyang ama.

“Hilingin din natin sa Diyos na sana ay makauwi na agad si Pangulong Duterte sa Pilipinas,” ang winika ni VP Sara sabay sabing “Ang ating mga pagtitipon ay nagpapatunay ng lakas, tapang, at paninindigan ng mga Pilipino.”

Sa ulat, March 28, ipinagdiwang ni dating Pangulong Duterte ang kanyang ika-80th birthday at ito ay kanyang ipagdidiwang habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa Netherlands.

Tiniyak din ni VP Sara na nasa mabuting kalagayan ang kanyang ama.

Sinabi rin nito na nakasama ng dating pangulong sa kanyang kaarawan ang kanyang partner na si Honeylet Avanceña at kanilang anak na si Kitty.

Bukod diyan, natanggap na raw ng kanyang ama ang isang bag na puno ng mga damit mula Davao, pati na rin ang paborito nitong sugar-free soft drink.

Nabanggit din ng bise presidente na hinimok niya ang ama na magluto ng sariling pagkain at magsulat ng libro habang nakakulong.

Pero ang sagot daw sa kanya ni Mr. Duterte, “I’m too old to write a book.” Kris Jose