Home HOME BANNER STORY Pag-isyu ng arrest warrant vs Alice Guo ipinag-utos sa Senado

Pag-isyu ng arrest warrant vs Alice Guo ipinag-utos sa Senado

ANILA, Philippines- Ipinag-utos ng Senate committee nitong Miyerkules ang paglalabas ng arrest order laban kay suspended Bamban, Tarlac mayor Alice Guo matapos hindi sumipot sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa sinalakay na POGO hub sa kanyang bayan.

Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na maglabas ng arrest order laban kay Guo, na inaprubahan ni Senator Risa Hontiveros, ang chairperson ng Committee on women, children, family relations, and gender equality.  

Inihirit din ni Senator Sherwin Gatchalian na i-contempt si Guo maging ang kanyang mga kaanak na inisyuhan ng Senate panel ng subpoenas. 

“‘Di magiging kumpleto ang ating mga hearing kung wala ang mga personalidad na ito,” pahayag ni Gatchalian. 

Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Martes na lalagdaan niya ang warrant of arrest laban kay Guo sakaling magkaroon ng pormal na mosyon mula sa Senate committee.

Inihayag ni Hontiveros na nagpadala si Guo ng liham sa komite kung saan sinabing hindi siya makadadalo sa pagdinig dahil sa health at mental health concerns.

Subalit, walang kalakip na medical certificate ang liham, base kay Hontiveros.

“We find her claims in the letter void of credibility,” wika ni Hontiveros.

“Ang sa akin lang, nakakahiya naman po sa mga tunay na may mental health condition…Seryosong usapin ang mental health at hindi po ito dapat ginagamit na dahilan para magsinungaling,” pahayag naman ni Senator Nancy Binay. RNT/SA