MANILA, Philippines – Inihain nitong Martes ng umaga sa Korte Suprema ang petisyon para ipawalang bisa ang Manila International Airport Authority Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024, pati ang March 18, 2024 NAIA Public-Private Partnership Concession Agreement ng San Miguel Corporation o New NAIA Infra Corp.
Kabilang sa petitioners ang mga kumakatawan sa OFW, MIAA workers, NAIA workers, taxpayers na direktang apektado nang pagtataas ng singil at mga bayarin sa pambansang paliparan.
Nais ng mga petitioner na tiyakin na ang pondo ng bayan at ang kapangyarihan na magtakda ng paniningil ay alinsunod sa batas.
Hihilingin ng mga petitioner na rebyuhin at ipawalang-bisa ng Korte Suprema ang MIAA Revised AO No. 1, Series of 2024, at ang NAIA PPP Concession Agreement, dahil labag sa 1987 Constitution, mga kasalukuyang batas patungkol sa public infrastructure projects at principles of transparency and accountability.
Giit ng mga petitioners, binalewala ng gobyerno ang partisipasyon ng publiko pati ang due process nung inaprubahan ang pagtaas ng paniningil sa mga bayarin sa airport.
Ayon kay Atty. Kit Belmonte, ipinatupad ang kasunduan kahit na walang tunay na public consultation, katunayan ay walang kahit isang OFW, o airport worker o kaya ay ordinaryong pasahero ang nakaalam na aprubado na pala ang rate increase at iyan anya ay labag sa batas o konstitusyon
Babala ni Belmonte magdudulot ng pagtaas sa gastos sa pagbiyahe ng milyon-milyong mga pasahero kabilang ang mga overseas Filipino workers at sa mga airport employees ang ipinatupad na bagong sistema ng paniningil sa parking fee o Passenger Service Charges. Jocelyn Tabangcura-Domenden