Home METRO Pagadian City airport tigil-operasyon sa Abril 15-Mayo 15

Pagadian City airport tigil-operasyon sa Abril 15-Mayo 15

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur- Nag-abiso ang Civil Aviation Authority of the Philippines (Caap) ukol sa pansamantalang pagsasara ng paliparan sa lungsod mula Abril 15 hanggang Mayo 15 ng taong ito.

Sa liham na may petsang Marso 8, sinabi ni airport manager Edwin Luching kay City Mayor Samuel Co na nilalayon ng pansamantalang pagsasara na bigyang-daan ang pagkumpuni sa runway dahil sa pagkasira “caused by weather conditions and aircraft traffic loads.”

“The repair is critical to preserve (the) runway pavement’s optimal function and ensure safety during flight operations,” giit ni Luching.

Subalit, tiniyak ng Caap na kapag mas maagang natapos ang pagkumpuni, mabubuksan ang pasilidad sa loob ng wala pang isang buwan upang makapagpatuloy ang mga flight.

Ani Co, ililipat ang mga pasaherong nakapag-book na sa closure dates sa Dipolog o Ozamiz airports.

Ayon pa sa opisyal, magagamit pa rin ng maliliit na private planes at choppers ang paliparan dahil hindi kinakailangan ng ganitong uri ng mga aircraft ang buong runway stretch. RNT/SA