MANILA, Philippines – Patunay na kontrolado na ng pamahalaan ang presyo ng pangunahing bilihin sa pagbaba ng inflation rate sa 1.4%, ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Romualdez ang 1.4 % inflation rate sa buwan ng Abril ay ay isang konkretong patunay na ang mga hakbang ng pamahalaan ay ramdam at may tunay na epekto.
“Ipinapakita ng numerong ito na mas kontrolado na ang presyo ng mga pangunahing bilihin—mula sa bigas, gulay, at karne, hanggang sa kuryente at pamasahe. Ibig sabihin, mas abot-kaya na ang pang-araw-araw na gastusin” ayon kay Romualdez.
Ipinaliwanag ni Romualdez na ang pagbaba ng inflation nitong mga nakaraang buwan ay resulta ng hakbang ng pamahalaan na pabilisin ang pagdating ng mas murang pagkain sa merkado, binuksan ang mga oportunidad para sa negosyo at pamumuhunan, at tinulungan ang mga maliliit na negosyante at manggagawa.
Tiwala si Romualdez na patuloy pa ang pagbaba ng inflation sa mga susunud na buwan. Gail Mendoza