Home HOME BANNER STORY Pagbabalik ng impeachment complaint sa House, isang tagumpay – Dela Rosa

Pagbabalik ng impeachment complaint sa House, isang tagumpay – Dela Rosa

MANILA, Philippines – Itinuring ni Senador Bato Dela Rosa na tagumpay ang desisyon ng Senado na ibalik ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte sa Kamara.

“Yes, the mere fact that the court approved the returning of articles of impeachment to the House of Representatives is a manifestation that they agree to my previous speech that the impeachment court is constitutionally infirm,” ani Dela Rosa.

Nitong Martes, Hunyo 10, ang Senado ay nanumpa na bilang impeachment court. Dito, ipinababasura ni Dela Rosa ang nasabing impeachment complaint kung saan iginiit niya na nilabag ng House of Representatives ang Article XI, Section 2, paragraph 5 ng Constitution kung saan nakasaad na, “No impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within a period of one year,” kung saan apat na magkakahiwalay na impeachment complaints ang isinampa laban kay VP Duterte.

Iginiit din ni Senadora Imee Marcos na layunin ng impeachment ay maagang tanggalin si Duterte sa puwesto.

“Ang uuwian [ng impeachment] ay disqualification. Tanggal sa opisina niya.Yun lang yun. Magpakatotoo tayo parang ito ay glorified, early disqualification. Seryosohin naman natin ang impeachment. Wag nating paglaruan ang saligang batas,” ani Marcos sa isang ambush interview.

Sa kabilang banda, nadismaya si Senador Koko Pimentel at sinabing mas mainam sana kung sa trial ito tinalakay.

Bagaman ibinalik ang reklamo, nakapaglabas pa rin ng summons ang impeachment court sa Bise Presidente, na inaatasang magsumite ng sagot sa loob ng 10 araw.

Wala nang magaganap na pagbasa ng complaint sa Senado ngayong Miyerkules, Hunyo 11. RNT