Home NATIONWIDE Pagbabalik sa lumang school calendar ‘di pwedeng madaliin – DepEd

Pagbabalik sa lumang school calendar ‘di pwedeng madaliin – DepEd

MANILA, Philippines – Inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na hindi pwedeng madaliin ang pagbabalik ng lumang school calendar.

Ito ay dahil kailangan din ikonsidera ang rest period ng mga guro at mga mag-aaral.

“Hindi pwede natin i-compromise ang pahinga ng teachers and learners dahil di natin pwede i-dere-deretso ang mga klase, kailangan ng pahinga,” sinabi ni Duterte sa isang ambush interview nitong Lunes, Abril 8.

Noong Pebrero 20, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang dahan-dahang pagbabalik sa lumang school calendar sa pagkakaroon ng adjusted schedule ng bakasyon at pasukan.

Sa naturang kautusan, idineklara ang Mayo 31, 2024 bilang bagong adjusted end date ng kasalukuyang school year.

Magsisimula naman ang SY 2024 to 2025 sa Hulyo 29, at magtatapos sa Mayo 16, 2025.

Kasunod nito, inaasahang magtatapos sa Abril 2 ang school calendar para sa SY 2026-2027 at kalaunan ay magtatapos ng Marso para sa SY 2027-2028.

Noong Abril 1, kinilala ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang hakbang ng DepEd sa gradual transition ngunit nanawagan na magpatupad ng pamamaraan para protektahan ang mga guro at estudyante sa matinding init ng panahon.

Kaugnay nito, inanunsyo ng DepEd na ipatutupad ang asynchronous classes o distance learning simula ngayong araw, Abril 8 dahil sa matinding init ng panahon. RNT/JGC