Home NATIONWIDE Suplay ng pertussis vax, kukulangin sa Mayo – DOH

Suplay ng pertussis vax, kukulangin sa Mayo – DOH

MANILA, Philippines – Inaasahang magkakaroon ng kakulangan sa pertussis vaccines sa bansa sa buwan ng Mayo kapag naubos ang kasalukuyang mga suplay ng bakuna, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Abril 8.

Bagamat umorder na ang Pilipinas ng karagdagang pentavalent vaccines sa unang quarter ng 2024, kailangan pa ng pharmaceutical companies ng humigit-kumulang 120 araw para gawin ang mga bakuna, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa.

Sa ngayon, nakapagtala ang Pilipinas ng humigit-kumulang 890 kaso ng pertussis sa pagitan ng Enero at Marso 2024, batay sa datos mula sa DOH.

Ayon kay Herbosa, 49 bata ang namatay dahil sa pertussis simula Enero, mga batang edad ng isang linggo hanggang 5 pababa.

Iniugnay ni Herbosa ang muling pagkabuhay ng sakit sa mga pandemic lockdown na humadlang sa mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak sa mga vaccination center sa pagitan ng 2020 at 2022.

Sinabi pa ni Herbosa na ang vaccine hesitancy o pag-aalinlangan ang isa sa problema lalo na sa kanayunan, na binanggit na ang Pilipinas ang ikaapat na bansa sa mundo na may pinakamaraming bilang ng mga bata na hindi nakatanggap ng anumang uri ng bakuna.

Hindi naman tumitigil ang gobyerno sa pagpapaalala sa mga magulang na dalhin ang kanilang anak sa mga center upang pabakunahan. Gayundin, tinitignan din ang pagbibigay ng bakuna sa mga buntis upang protektahan ang kanilang sanggol laban sa pertussis.

Habang hindi pa nakakakuha ang gobyerno ng pertussis vaccines para sa mga buntis, sinabi ni Herbosa na ang mga ito ay makukuha sa pamamagitan ng mga reseta mula sa mga obstetrician.

Bukod sa pertussis, nakikipaglaban din ang DOH sa measles outbreak sa Bangsamoro region.

Samantala, mahigpit ding binabantayan ng gobyerno ang pagtaas ng bilang ng kaso ng rabies sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden