Home NATIONWIDE Walang banta sa buhay ni Teves – PBBM

Walang banta sa buhay ni Teves – PBBM

MANILA, Philippines – MULING inulit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang banta sa buhay ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., itinuturong utak umano sa masaker sa Negros Oriental noong Marso 2023 na ikinasawi ng 10 katao, kabilang ang gobernador na si Roel Degamo.

“Same thing. Wala naman kami… sa lahat ng mga sinasabi ni Arnie Teves, takot siya sa buhay niya, wala kaming report na ganoon. Walang nagbabanta sa buhay niya,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa ulat, sinasabing dinakip si Teves sa Dili East Timor habang naglalaro ng golf.

Kasalukuyan ngayong nasa kustodiya ng Timorese police si Teves.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga awtoridad ng East Timor para maibalik sa bansa si Teves.

Matatandaang, Marso 2023 nang salakayin ng mga armadong lalaki ang tahanan ni Degamo sa Pamplona, Negros Oriental, at pinagbabarilin ang mga tao na nandoon pati na ang gobernador.

Nasawi si Degamo at siyam na iba, habang marami pa ang nasugatan.

May kinakaharap ding kaso si Teves sa hiwalay na pagpatay sa tatlong tao sa Negros Oriental noong 2019.

Nang mangyari ang masaker, nasa labas ng bansa si Teves at hindi na umuwi ng bansa. Hanggang sa matukoy na nasa East Timor siya at humihiling ng asylum.

Noong Agosto 2023, idineklara si Teves na terorista ng Anti-Terrorism Council, kasama ang 11 iba pa.

Pinatalsik din siya ng liderato ng Kamara de Representantes bilang kongresista dahil sa hindi na niya nagagampanan ang kaniyang trabaho bilang mambabatas.

Dati nang itinanggi ni Teves ang mga alegasyon laban sa kaniya. Iginiit din niya na may banta umano sa kaniyang buhay.

Nitong nakaraang Pebrero, inilagay si Teves sa red notice list ng International Criminal Police Organization (INTERPOL).

Ang red notice ay kahilingan upang hanapin ang isang tao na may kinakaharap na kaso at arestuhin para maiuwi sa kaniyang bansa.

Ikinatuwa naman ni Pamplona Mayor Janice Degamo, asawa ng nasawing gobernador, ang pagkakaaresto kay Teves. Kris Jose