MANILA, Philippines – MAGHAHANAP ang gobyerno ng paraan para ibalik sa lalong madaling panahon ang school calendar sa lumang iskedyul nito.
Tugon ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nang hingan ng komento sa panukala ng ilang grupo na ibalik ang lumang school calendar sa lalong madaling panahon.
Ang school vacation ay mula Abril hanggang Mayo bunsod ng nakapapasong init.
“Hangga’t maaari, gusto natin ibalik sa dati dahil may consensus na talaga na mas maganda ‘yung dating schedule,” ang pahayag ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview matapos ang “Bagong Pilipinas Town Hall Meeting on Traffic Issues” na idinaos sa San Juan City.
“Hindi naman sinasabi na hindi natin gagawin next year or the year after that. Susubukan namin gawin, sa aming palagay baka mahirapan pa tayo ngunit hanggang may paraan gagawin natin ‘yung paraan para mapa-aga at mapabilis ang pagbalik sa normal schedule,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ang pagbabalik ng lumang school calendar ay hindi pa maaaring madaliin dahil sa konsiderasyon para sa “rest periods” ng mga estudyante at mga guro. Kris Jose