MANILA, Philippines – HANGGANG ngayon ay hindi pa rin pinag-uusapan sa Palasyo ng Malakanyang ang muling pagsama ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang nagdesisyon ang Pilipinas, sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte, na kumalas sa Rome Statute—ang treaty na lumikha sa International Criminal Court (ICC) noong March 2018. Umepekto ang withdrawal makalipas ang isang taon noong March 2019.
Ang hakbang na ito ng dating Pangulong ay matapos siyang pagtulungang atakihin at batikusin ni UN special rapporteur Agnes Callamard at UN High Commissioner on Human Rights Zeid Raad al-Hussein kaugnay sa sinasabing paglabag nito sa karapatang pantao kaugnay ng inilunsad na drug war ng gobyerno at palabasing masama ang kanyang imahe at walang-puso na lumalabag sa karapatang pantao.
“As we speak, we have not yet discussed any plan of rejoining the ICC. Iyong huli po nating nakausap ang Pangulo (Ferdinand Marcos Jr) tinanong po natin iyan nang personal at siya’y ngumiti lamang at sasabihin ko daw dapat na wala pa talagang napag-uusapan patungkol doon,” ang sinabi ni Castro.
Sa kabilang dako, sa ulat, sinabi ni Hugo Santos, isang analyst ng Asian Century PH Strategic Studies Institute na mukhang hindi na gaanong importante na bumalik ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC lalo na kung sinasabi ng gobyerno na gumagana ang justice system ng bansa.
Kung titingnan naman aniya, ang mga tinatawag na superpowers gaya ng Russia, China at Estados Unidos ay hindi rin miyembro ng ICC.
Taong 2011 nang opisyal na naging miyembro ng ICC ang Pilipinas ngunit noong Marso 2018 ay umalis na rin dito ang bansa.
Samantala, pagdating naman sa di umano’y freeze order na ipalalabas ng ICC para sa mga ari-aran at yaman ni dating Pangulong Duterte, sinabi ni Castro na ” there is no commitment on our part, on the part of the administration if we will comply with any order issued by the ICC considering that the ICC as of the moment has no jurisdiction over the Philippines.” Kris Jose