MANILA, Philippines – Walang magiging epekto sa iba pang kaso ng flood control ang pagtanggal sa tatlong reklamo kaugnay sa excise tax laban sa mga kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez nitong Martes.
Ang isyu tungkol sa tax liabilities ng mga Discaya ay walang kaugnayan sa anumang pananagutan ng iba sa mga nakabinbing kaso ng flood control, ani Martinez
Hindi rin aniya ito naglalaman ng maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Dagdag pa ni Martinez, tinanggal ng DOJ panel of prosecutors ang tatlong reklamo ng excise tax na isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa mag-asawang Discaya at iba pa kaugnay sa ilang luxury vehicles matapos matukoy na hindi sila ang statutory taxpayers.
Nauna nang sinabi ni Martinez na ang excise tax ay binabayaran ng importer.
Nilinaw ng tagapagsalita ng DOJ na ang pagtanggal sa mga reklamo ay hindi makakaapekto sa ibang kaso ng mag-asawang Discaya, at maaari lamang itong makaapekto sa mga kaugnay na kaso ng parehong uri.
Samantala, magsasampa ang DOJ ng dalawang kaso laban sa mag-asawa sa Court of Tax Appeals. Ito ay para sa paglabag sa Sections 254 (Willful Attempt to Evade or Defeat Taxes) at 255 (Willful Failure to Supply Correct and Accurate Information) ng National Internal Revenue Code of 1997.
Kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail si Sarah Discaya.
Noong Disyembre 2025, sinampahan ng Office of the Ombudsman si Discaya at iba pa kaugnay sa isang P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental. Siya ay nag-plead ng not guilty sa graft at malversation. Jocelyn Tabangcura-Domenden