Home NATIONWIDE Pagbawi sa illegal reclamation sa Taguig City, sinimulan ng PRA – Lacson

Pagbawi sa illegal reclamation sa Taguig City, sinimulan ng PRA – Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang proseso na maaaring humantong sa pag-forfeit pabor sa pambansang gobyerno ng ilang ektaryang ilegal na ni-reclaim na lupa sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo, Agosto 9.

Ani Lacson, kinumpirma ng PRA ang mga paunang natuklasan niya at ng kanyang team na walang kahit isang kinakailangang permit na nakuha ang pamahalaang lungsod ng Taguig para isagawa ang reclamation.

“Patungo na sila sa pagimbestiga para magkaroon ng… board resolution ng PRA para magsimula ng proseso patungo sa forfeiture proceedings. Kasi pag ganyang reclamation at wala kang permiso sa PRA dahil sila ang agency mandated para mag-regulate o magbigay ng permit dito, ang logical conclusion dapat niyan, i-forfeit mo in favor of the national government. At confirm yan ng PRA wala maski isang permit,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

“Yan naman sa reclamation pwedeng pinakinabangan nga pero dapat sumunod siya sa proseso, sumunod siya sa batas na kumuha siya ng dapat na mga permit. Sabi ng PRA ni isang permit wala silang kinuha,” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Lacson na ilang taon nang ipinapakitang flood control at mitigation projects ng mga Cayetano ang “unabated and illegal” reclamation operations sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.

Kahit ipagpalagay na ang mga lugar sa Laguna Lake na sinabi ni Cayetano na ni-reclaim ay “government property,” sinabi ni Lacson na kailangan pa ring kumuha ng mga permit at dokumento ang pamahalaang lungsod ng Taguig mula sa PRA, Laguna Lake Development Authority at Department of Environment and Natural Resources bago magsagawa ng reclamation work.

“Hindi pupuwede yan. Pwede mo gawin yan pag apply ng permit ang LGU para mag-reclaim,” he said.

Binanggit ni Lacson ang salaysay ni Sen. Francis Escudero na noong gobernador pa siya ng Sorsogon, kumuha siya ng mga kinakailangang permit mula sa mga kaugnay na ahensya, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), bago magsagawa ng reclamation doon.

“Ang ibang portion hindi ko alam kung gaano kalaki yan pero may portion din diyan na pag-aari kasi tinayuan ng multipurpose building at parks. Yan ang sinasabi niya na pag-aari ng LGU which pag susundan mo ang sinasabi ng PRA hindi rin pupuwede kasi kung walang permit ang patutunguhan niyan dapat pag-aari ng national government,” he added.

Sinabi rin ni Lacson na natigil ang naunang imbestigasyon ng PRA sa reclamation matapos umanong i-pressure ni dating Senate President Cayetano ang mga kinatawan ng ahensya noong deliberasyon sa budget ng Office of the President noong Nobyembre 2025. Nasa ilalim ng OP ang PRA.

Ayon kay Lacson, batay sa impormasyong ibinahagi sa kanya ng mga opisyal ng PRA, ipinatawag sila ni Cayetano sa kanyang tanggapan at nagbantang ipasuspinde ang deliberasyon sa budget ng OP, na epektibong naglagay sa ahensya sa ilalim ng pressure.

“Pasususpend, e gabi na raw yan. So parang napressure sila. Hindi na lang sila kumibo kaya naantala ang investigation,” aniya.

“Nahinto sila doon pero ngayon very enthusiastic sila kasi hindi ko alam kung maka-generate ng revenue once ma-forfeit in favor of the national government,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na kailangan pa ng karagdagang beripikasyon upang matukoy kung gaano kalaking reclaimed land ang maaaring ma-forfeit pabor sa pambansang gobyerno. Aniya, sa huling bilang ilang taon na ang nakalilipas, nasa 47 ektarya ang na-reclaim, ngunit nadagdagan pa ito ng 37 ektarya kamakailan.

Sinabi niyang nagtangkang alamin ng PRA ang lawak ng reclamation ngunit nahirapan dahil mino-monitor umano ang mga tauhan nito. Isinalaysay niya na isang opisyal ng PRA ang nagsama ng kanyang mga anak sa isang street-food event sa Taguig at sinamantala ang pagkakataon upang magpalipad ng drone, na nagbigay sa PRA ng mas malinaw na tanawin sa lawak ng reclamation.

Sa ngayon, sinabi ni Lacson na nakalap na niya at ng kanyang team ang mga ebidensya kaugnay ng hindi bababa sa 32 maanomalyang flood control projects sa lugar, matapos makipag-ugnayan sa PRA at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ani Lacson, matapos nilang i-turn over sa Ombudsman ang mga ebidensya kaugnay ng hindi bababa sa limang case studies ng maanomalyang flood control projects sa Taguig—kasama ang mga affidavit ng hindi bababa sa dalawang testigo na nakipagtulungan sa imbestigasyon—dapat nang maghanda si dating Senate President Cayetano na ipaliwanag ang kanyang panig sa Ombudsman.

“Ang pinaguusapan dito, ilan ang ghost project na ginastusan ng pera ng gobyerno na maliwanag sa ebidensya, sa dokumento, na talagang ghost,” aniya.

Sinabi rin niyang maaaring maharap sa posibleng mga kasong plunder ang hindi bababa sa apat na contractor na tumigil sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon.

Blue Ribbon Probe

Sinabi ni Lacson na nasa kamay na ni Blue Ribbon Committee chairman Erwin Tulfo ang pagpapasya kung isasama ng komite sa mga pagdinig nito ang mga flood control project sa Taguig City.

“Nasa kanya yan, call ng chairman. Sa akin lang, kasi natiyempo pa naman na baha kabi-kabila, sabi nyo nga nare-remind ang tao at nagngingitngit sa galit dahil tuwing babaha at binabaha ang kababayan natin ang unang pumasok sa isip nila, nasaan ang daan daang bilyon o trilyon na ginastos ng gobyerno para sa flood control projects,” aniya.

Ngunit binanggit din niya na nagpahayag ng pangamba ang ilan sa mga testigong nakausap niya at ng kanyang team na maaari silang ma-harass kung ipapatawag sa isang public hearing.

“Nakiusap mga testigo sa halip na public hearing dumiretso sa Ombudsman kung papatawag sila, ayoko rin. Kaya pumayag ako kay Sen. Tulfo na i-defer muna ang public hearing, kasi baka ma-expose prematurely ang testigo,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here