MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Senador Raffy Tulfo para sa isang imbestigasyon ukol sa iregular na pagbebenta ng mga produkto ng vape sa Lazada, Shopee, TikTok, at iba pang social media platforms, at maging ang paglaganap ng pekeng items sa online.
Sa katunayan, naghain si Tulfo ng Resolution No. 1232 noong Nobyembre 13, 2024, nananawagan sa tamang Senate Committee na magsagawa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa iregular na pagbebenta ng vapes at iba pang regulated goods sa iba’t ibang e-marketplaces at ang paglaganap ng pekeng items sa online na malinaw na paglabag sa Republic Act 11967, o ang Internet Transactions Act of 2023.
Ang RA 11967 ay isang bagong batas na naglalayong protektahan ang mga online consumer at seller sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na alituntunin para sa online transactions, kabilang na ang pagbebenta, distribusyon, advertisement ng mga kalakal at serbisyo.
Ang ITA ay nagbibigay ng epektibong regulasyon ng pamahalaan sa e-commerce para protektahan ang karapatan ng mga consumer at data privacy, siguruhin ang internet transactions, i-promote ang intellectual property rights, at tiyakin ang ‘product standards at safety compliance.’
Matatandaang, nagpalabas ang Department of Trade ng Administrative Order No. 24-03, Series of 2024, noong Hulyo 16, 2024, sinususpinde ang online selling, distribusyon at pag-advertise ng ‘vape products at devices’ maliban na lamang kung ang seller ay sumunod sa “proof-of-age” verification at iba pang requirements sa ilalim ng ITA.
Winika pa ni Tulfo na sa kabila ng pagpapalabas ng administrative order, ang ‘vape product at devices’ ay ibinebenta pa rin sa online sa pamamagitan ng e-commerce platforms gaya ng Lazada at Shopee.
Sinabi pa niya na habang may ilang sellers ang mayroong “verification feature’, ang prosesong ito ay madaling dayain at i-bypass, dahilan para ang regulated products ay madaling maging accessible kahit pa sa mga menor de edad.
Sinabi pa ni Tulfo na sa online platform na TikTok, “no such verification feature is installed in various sellers’ accounts” at may Ilan naman ang bina- bypass ang verification process sa pamamagitan ng pagpo-post ng instruction na: “order via private message.”
Dahil dito, nagiging ” walang silbi at walang saysay” ang direktiba ng DTI.
“In addition to the irregular sale of vapes, several online sellers are also actively violating community guidelines and policies by selling adult and explicit items using offensive images,” ang sinabi ni Tulfo sa resolusyon.
Winika pa ni Tulfo na ang mga produktong ito, dahil sa kakulangan ng sapat na disclaimers at erroneous labels, ay madaling maa-access ng mga kabataan o indibiduwal na wala pang 18 taong gulang.
Sinabi pa ni Tulfo na maliban sa regulated items na ibinebenta na malinaw na paglabag sa DTI regulations at online platform community guidelines, ang pagbebenta ng peke, copycat, o substandard products ay patuloy na lumalaganap sa iba’t ibang online selling platforms.
Binigyang halimbawa ni Tulfo ang pagsirit ng online selling ng toy products, gaya ng viral ngayon na “Labubu” doll craze, kung saan ang mga seller ay naga-alok ng ‘original at knock-off versions’ sa presyo na nakagugulat sa pandama.
Ani Tulfo, ang gobyerno sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry at iba pang kaugnay na ahensiya, may responsibilidad na protektahan ang mga consumer mula sa mga mapanlinlang na gawi at tiyakin na ang lahat ng produkto na ibinebenta sa online ay sumusunod sa mga kaugnay na batas at regulasyon.
Kapuwa naman pinaigting ng Department of Trade and Industry at Bureau of Internal Revenue ang kanilang kampanya laban sa pagbebenta ng substandard at unregistered vape products para protektahan ang mga consumer at menor de edad.
Sinabi ng BIR na natukoy nito ang mahigit na 400 sellers ng illicit vape products, pawang unregistered o ang produkto ay walang angkop o wastong revenue stamps. KRIS JOSE