MANILA, Philippines – Tumanggap ng panibagong logistical support mula sa Gcash ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Huwebes, Nobyembre 28.
Sinabi ng DSWD na ang suportang ipinaabot ng GCash ay malaking tulong upang mai-deliver ang halos 5,100 kahon ng family food packs (FFPs) sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo.
Ayon kay Disaster Response Management Group (DRMG) at Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, ang tatlong ten-wheeler trucks mula sa GCash ay dumating sa National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City. Agad namang ikinarga sa bawat truck ang 1,700 FFPs patungong Bicol Region.
“We used these trucks to deliver food packs and replenish our supplies in our agency warehouses at Camarines Sur and Camarines Norte, which have been non-stop in dispensing relief goods due to the previous storms that impacted Region 5,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao.
Kaugnay nito sabi ni Asst. Secretary Dumlao ang Bicol-bound trucks ay ikalawang batch na ng logistical support mula sa GCash.
Ang unang batch ay binubuo ng dalawang trucks na ginamit upang mai-deliver ang 3,400 kahon ng FFPs sa Cagayan Valley noong November 20.
Samantala, inaasahan naman ng ahensya ang pagdating pa ng karagdagang delivery trucks kung saan nag-pledged ang GCash ng 12 truck pa na kanilang ipapahiram upang mabilis na maihatid sa mga DSWD warehouses ang FFPs.
“Again, I would like to express gratitude for GCash’s generosity. Initially, they told us they would provide up to six trucks to support our relief operations and prepositioning efforts following Tropical Cyclone Pepito,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao.
Ayon pa kay Asst Secretary Dumlao, bukod sa logistical support, nagpadala din ng mga empleyado ang Globe, upang tumulong naman sa tuloy tuloy na repacking activities sa NROC. Santi Celario