MANILA, Philippines – Ipagpapaliban muna ang pag-iisyu ng concessionary beep card simula sa Lunes, Marso 30, ayon sa AF Payments Inc.
Sa social media post, sinabi ng kompanya na ang suspensyon ay kasunod ng pagbaba sa bilang ng concessionary beep cards na inisyu sa mga nakalipas na buwan at kamakailang 50% fare discount sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
“Please stand by for further announcements regarding the new process for concessionary beep™ cards,” sinabi ng AF Payments Inc.
Noong Marso 23 ay ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) ang 50% discount sa pagsakay sa mga tren ng MRT-3 at LRT-2.
Umiiral pa rin naman ang 50% discount para sa white Beep card holders o mga senior citizens, persons with disabilities (PWD), at mga estudyante.
Samantala, kasalukuyang nakikipag-usap ang DOTR sa pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), na pinatatakbo ng private firm na Light Rail Manila Corporation, para magbigay ng kaparehong discount sa kanilang mga pasahero. RNT/JGC