Home NATIONWIDE Pagbigay ng tulay sa Isabela tatalupan ng DPWH panel

Pagbigay ng tulay sa Isabela tatalupan ng DPWH panel

MANILA, Philippines- Bumuo ng limang miyembro ng panel ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na mag-iimbestiga sa pagguho ng bagong itinayong Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela.

Ang resulta ng pagsusuri ay isusumite sa Abril 25 o bago sumapit ang nasabing petsa.

Sa Special Order No. 35 na inisyu noong Marso 17, itinalaga ni DPWH Secertary Manuel M. Bonoan si DPWH Undersecretary for legal services Anne Sharlyne Lapuz na manguna sa imbestigasyon.

Inatasan ang komite na magsagawa ng masusing assessment sa insidente, na nangyari noong Pebrero 27 nang gumuho ang bahagi ng P1.22 bilyong tulay matapos dumaan ang isang dumptruck na may kargang bato.

Itinalagang co-chairperson si Undersecretary Eric Ayapana, habang itilaga bilang mga miyembro sina Assistant Secretary Michael Villafranca, Planning Service Director Alex Bote, at legal Service Director Gliricidia Tumaliuan-Ali .

Bilang bahagi ng pagsisiyasat, magsasagawa ang panel ng mga inspeksyon sa lugar, susuriin ang mga plano sa pagtatayo at mga kaugnay na dokumento at pakikipanayam sa mga tauhan na sangkot sa proyekto kasama ang mga inhinyero mula sa Bureau of Design at Bureau of Construction na nagbibigay ng suporta.

Ang investigation plan, ay dapat isumite sa loob ng tatlong araw mula sa paglabas ng kautusan upang gabayan ang pagsasagawa ng inquiry.

Ang insidente ay nagtaas ng alalahanin sa kalidad ng pampublikong imprastraktura at nag-udyok ng mga panawagan para sa pananagutan mula sa mga ahensya ng gobyerno at mga kontratista. Jocelyn Tabangcura-Domenden