MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE), sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company (PNOC), na bumili ng 318 milyong litro o 2 milyong bariles ng crude oil mula sa ibang bansa para dagdagan ang suplay ng enerhiya sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na ang 165 milyong litro ng langis, mula sa kabuuang 318 milyong litro, ay inaasahan na ide-deliver sa Pilipinas sa lalong madaling panahon mula Malaysia, Singapore, India, at Oman.
Pinawi naman ni Garin ang pangamba ng publiko na mauubusan ang Pilipinas ng crude oil dahil sa labanan sa Gitnang Silangan.
“Pero hindi nangyari ‘to, kahit wala iyong (UPLIFT) committee pa, ginawa na ‘to ng Presidente at inutos na sa Department of Energy, through the Philippine National Oil Company (PNOC), bumibili na iyong gobyerno ng sariling supply para ma-augment/madagdagan ang supply ng ating oil companies,” ayon sa Kalihim.
“In fact, ang kabuuang—165 million liters ang ina-acquire ng PNOC. Ang target nito kasi is 318 million liters, 2 million barrels,” aniya pa rin.
Iniahayag pa ni Garin na “To protect national interests and reduce the impact of the Middle East conflict, an Executive Order has adopted the Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) as the government’s coordinated response framework, ensuring a stable energy supply, uninterrupted essential services, continued economic activity, and support for vulnerable sectors.”
Sinabi pa ni Garin na ang gobyerno ng Pilipinas ay nakikipag-ugnayan sa ibang foreign countries para makakuha ng karagdagang sources ng crude oil, sa halip na umasa lamang sa Middle East o sa Strait of Hormuz.
“Philippine oil companies are also exploring other sources, and the country is able to maintain stocks good for 50 days, not just 30 days, which is the usual oil reserve,” anito.
Aniya, ang 50-day oil reserve ay hindi nangangahulugan na pagkaubos sa loob ng 50 araw, kundi muli itong lalagyan sa lalong madaling panahon habang ang ibang sources ay darating sa bansa.
Aniya pa, nagtayo rin ang gobyerno ng sistema para tiyakin na ang stocks na magmumula sa ibang bansa ay ligtas na darating at nasa tamang oras, habang ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas ay nakikipag-usap sa foreign ambassadors kaugnay nito.
“So, this has been accomplished already, may system na kami with the oil companies – ‘pag may problema sila, sinusumbong namin sa ating mga taga-Department of Foreign Affairs at sila ang kumakausap sa mga ambassadors so they can help to make sure na iyong mga orders ng oil companies at PNOC ay dumarating. Ito po iyong whole-of-government approach,” ang litaniya ni Garin. (KRIS JOSE)