MANILA, Philippines- Ipinakikita ng gagawing pagbisita ni United States Secretary of Defense Pete Hegseth ang kahalagahan ng Pilipinas sa United States, ayon kay Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez nitong Linggo.
Sa isang panayam, binigyang-diin ng envoy na nananatili ang Pilipinas sa “radar screen” ng United States.
Ito ay sa gitna ng pagkabahala na makaaapekto ang “America First” foreign policy ng Trump administration sa lalim ng commitments nito sa Pilipinas.
“It is an indication na talagang importante ang Pilipinas para sa US ang ating defense alliance,” aniya hinggil sa nakatakdang pagbisita ni Hegseth sa March 28-29.
Aniya pa, nais samantalahin ng Pilipinas ang kahalagahan nito sa Washington, maging sa iba pang defense allies, tulad ng Japan at Australia.
“We are positioning ourselves to take advantage na ang ating armed forces ay ma-modernize at saka at the same time, the attention that’s being given to us,” paliwanag ni Romualdez.
“Palagi kong sinasabi na kailangan din tulungan ka namin sa economy namin,” patuloy niya. RNT/SA