CAMALANIUGAN, Cagayan – Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng Aparri-Camalaniugan Mega Bridge bukas, Enero 8.
Ayon kay Engr. Mathias Malenab, director ng Department of Public and Highways Region 2, kinumpirma ng kanilang central office ang pagdating ng Pangulo sa Camalaniugan, Cagayan.
Kasama ni Marcos na darating si DPWH Secretary Vince Dizon para sa pagbubukas ng nasabing tulay.
Pagkatapos ng inauguration, agad na bubuksan sa lahat ng uri ng sasakyan ang nasabing tulay.
Una rito, nagkaroon ng load testing sa tulay noong Enero 5, bilang paghahanda bago ito pormal na buksan para sa mga motorista at sa publiko.
Una rito, walong 10-wheeler truck may mga kargang mga graba at buhangin na may bigat na 40 tons ang sabay-sabay na pinadaan ng contractor na Long Quan Construction.
Gumamit din ng sensor devices ang mga contractor upang masiguro na kaya ng tulay ang bigat at galaw ng mga sasakyan.
Una nang nagsagawa ng inspeksyon si Marcos sa nasabing tulay nitong nakalipas na taon at pinuri ang de kalidad at maayos na pagkakagawa ng tulay.
Ito may kabuuang haba na 2.16 kilometro at may maximum load capacity na 45 tonelada, na malaking tulong sa mga residente at biyahero ng una at ikalawang distrito ng nasabing probinsya. REY VELASCO